Friday, September 18, 2020

Sibakan Sa Selda part 24

Masayang pinagsaluhan ng pamilya ni Dylan ang mga dalang handa. "Dy, dalawang linggo na lang at makakalaya ka na.." balita ng kanyang ate sa kapatid. "Sabi ng abogado, inaayos na lang ang mga papeles at makakaalis ka na dito.." dagdag pa ni Dylan. Napangiti na lamang si Dylan ngunit sa kanyang kalooban ay nalulungkot siya. Iniisip niya na muling magkakahiwalay sila ni Kaloy. Kakaayos lamang nila at heto at muli niyang iiwan ang kasintahan. "Ipapaayos ko na ang kwarto mo, anak.." excited na sabi ng mama ni Dylan. Tumango lamang si Dylan. Masaya siya dahil makakalaya na siya. Malilinis na ang pangalan ng pamilya niya. Ngunit hindi pa rin maalis sa isip ni Dylan ang nobyo. Paano na si Kaloy? Paano na kung wala na naman siya sa kanyang tabi? Mga tanong na umaalingawngaw sa isipan ni Dylan. "Happy New Year po.." bati ng lalaki sa pamilya ni Dylan...

--------

Lahat ay napalingon sa lalaking bumati sa kanila. Nasamid naman si Dylan sa pamilyar na boses ng lalaki.  Unti-unti niyang inangat ang kanyang ulo at hindi nga siya nagkamali, si Kaloy. Bagong ligo. Bagong tabas ang bigote at balbas. Malinis itong tignan kahit na nakauniporme itong pang-preso. Makisig at matipuno. Saktong-sakto ang bagong pa-damit sa koreksyunal. Napatayo si Dylan sa kanyang kinauupuan upang lapitan ang nakatayong si Kaloy. Nakangiti at labas ang pantay-pantay na ngipin. "Pa, Ma, Ate. Si Kaloy. Uhmmm.." kinakabahang pakilala ni Dylan kay Kaloy sa kanyang pamilya. Natulala naman ang ate ni Dylan. Hindi nila alam kung nabighani ba ito sa itsura ni Kaloy. "P-pre-preso ka dito?" tanong ng mama ni Dylan. Tumango ito. "K-k-kasama ko po siya sa selda.." si Dylan ang sumagot para sa binata. Tumayo rin ang ama ni Dylan upang harapin ang binata. "H-h-happy New Year, sir.." nauutal na bati ni Kaloy. Medyo kinakabahan. Hindi medyo. Kinakabahan si Kaloy pero kailangan na niyang magpakilala sa pamilya ni Dylan dahil ito na ang kanyang huling pagkakataon. Sinipat ng ama ang binatang katabi ng anak. Mula ulo hanggang paa. Napalunok naman si Kaloy ng mapansin niya iyon. "Happy new year din, iho.." ang ina na ni Dylan ang sumagot para sa asawa. "Halika, saluhan mo kame sa pagkain.." yaya pa nito kay Kaloy.

"Ay, hindi na po. Oras niyo po ito para makasama si Dylan. Lumapit lang po ako para batiin kayo.." magalang na sabi ni Kaloy sa pamilya ng nobyo. Ramdam niya na medyo aligaga rin si Dylan dahil nga hindi sila nakahanda sa ganitong tagpo. "Okay lang, Kaloy. Sumama ka muna sa amin.." yaya ni Dylan sabay hawak sa braso ng nobyo. Tumingin si Kaloy sa mukha ng katabi. Nakangiti ito. Nababasa niya sa mga mata ni Dylan na nagsasabing "Okay lang. Mahal kita.." Medyo napahinga ng maginhawa si Kaloy. Kanina pa kasi mabilis ang tibok ng kanyang puso. "Sige po. Salamat po.." sagot ni Kaloy sa anyaya ng nanay ni Dylan. Tumabing umupo si Kaloy kay Dylan. Agad na inabutan ng ina ni Dylan si Kaloy ng plato na may laman na pagkain. Medyo na-touch si Kaloy na may nagsisilbing ina sa kanya. Napangiti siya sa ginagawa ng mama ni Dylan. Agad niyang tinanggap ito. "Maraming salamat po.." sabi pa ni Kaloy. Napadako naman ang kanyang tingin sa tahimik na ama ng kasintahan. Nakatingin lang ito sa kanya. Inoobserbahan ang bawat galaw ng binata. "Nasaan na pala ang pamilya mo, iho?" tanong ng nanay ni Dylan sa binata. "Ah eh. Wala na po akong pamilya dito sa Pilipinas. Wala na akong balita sa kanila simula ng pumasok ako dito.." kwento ni Kaloy. Malungkot ang tono. Tumatagos sa dibdib. Malalim. Pilit na ngumingiti sa harap ng pamilya ni Dylan. Ngunit mababanaag sa kanyang mga mata ang lungkot.

"Nako, sorry. Napalungkot pa yata kita.." sabi ng Mama ni Dylan. "Bagong taon na bagong taon.." dagdag pa nito. Napangiti si Kaloy. Sinsero. "Nako, wala po yun. Makita ko lang masaya si Dylan ngayong araw ay okay na rin po ako.." tuloy-tuloy na sabi ni Kaloy sabay subo ng kanyang pagkain. Nanlaki ang mata ni Dylan nang marinig iyon at napatingin siya sa reaksyon ng kanyang pamilya. Medyo kumunot ang noo ng ama nito habang ang ina naman ay napatigil sa pagsubo ng pagkain. "Anooo?" nagulat na sabi ng kanyang kapatid. "Ah eh. Ikaw talaga, Kaloy!" kinakabahang sabi ni Dylan sabay pisil sa hita ng madaldal na nobyo. Napangiti na lamang si Kaloy sa reaksyon ng katabi. Masaya ang buong araw nina Dylan at Kaloy kasama ang mga bisita nito. Kwentuhan. Biruan. Asaran ng magkapatid. Tawanan. Hanggang dumating na ang oras ng pamamaalam. "Ma'am, maraming salamat po sa pag-imbita niyo sa akin ngayong araw.." sabi ni Kaloy sabay yakap sa ina ni Dylan. "Wala yun. Masaya ako na nakilala ka ng anak ko dito.." sagot naman nito sa binata. "Tsaka, huwag mo na ako i-ma'am. Tita na lang.." dagdag pa ng mama ni Dylan. Napangiti si Dylan nang marinig iyon mula sa kanyang ina. Bumaling naman si Kaloy sa kapatid ni Dylan. "Ate?" nahihiya pang sabi nito. Natawa lang ang ate ni Dylan sabay yakap sa preso. "Nice meeting you, Kaloy.." sagot nito. Nakakatuwang marinig iyon mula sa pamilya ng kasintahan. Sumunod naman niyang hinarap ay ang ama ni Dylan. May kaba sa kanyang dibdib. "Sir, thank you po.." sabi ni Kaloy sabay abot ng kanyang palad. Kinabigla ng lahat nang biglang kabigin ng ama ni Dylan ang kamay ni Kaloy upang mapalapit ito sa kanya. "Lalaki sa lalaki.." pabulong na simula ng ama ni Dylan. "Salamat sa pag-alaga mo kay Dylan dito sa kulungan. Ingatan mo siya kung maari.." dagdag pa nito. Labis ang pagkatuwa ni Kaloy nang marinig iyon mula sa ama ng kasintahan. Hindi niya napigilan ang sarili na hindi maluha sa mainit na pagtanggap sa kanya ng pamilya ni Dylan.

Si Dylan naman ang nagpaalam sa kanyang pamilya. "Ma, thank you ha. Alam kong marami kang sinakripsyo para sa akin. Babawi po ako pag labas ko rito.." sabi ni Dylan sa kanyang naluluhang ina. "Anak, huwag mong isipin yun. Susunduin ka namin sa araw ng paglaya mo.." sagot ng kanyang ina na binigyan ng mainit na yakap ang anak. "Dylan, mag-ingat ka rito ha. Aayusin na namin kwarto mo para sa pagbabalik mo ng bahay.." sabi naman ng kanyang ate. "Thanks, Ate.." si Dylan sabay yakap rin sa kapatid. "Panalo ka kay Kaloy. Huwag mo nang pakawalan yan.." pabirong bulong ng kanyang ate. Hindi napigilan ni Dylan ang mapatawa sa sinabi ng kapatid. "Ate!" tanging nasabi ni Dylan. Sumunod na niyakap ni Dylan ang ama. Mas matagal. Mas mahigpit. "Pa, I'm sorry ha. Sorry kung nabigo kita noon. Alam kong marami akong nagawa na kinagalit mo, kinalungkot mo. Pero babawi po ako. Sa inyo ni Mama.." sabi ni Dylan sa ama. Hindi na napigilan ng matikas na ama ang hindi maiyak. Ngayon sumabog ang kanyang tinitimping emosyon. "Hindi, anak. Ako ang may pagkukulang sa iyo. Hindi ako agad naniwala na wala kang kasalanan. Hindi kita napagtanggol. Patawarin mo ako, Dylan.." sabi ng kanyang ama. Mas hinigpitan ni Dylan ang kanyang pagyakap. Mas sumiksik siya sa mga bisig ng kanyang ama. "I love you, anak.." lumuluhang sabi ng kanyang ama. Matagal na niya itong inaasam na marinig mula sa kanyang magulang. "I love you, Pa.." emosyonal na sagot ni Dylan. Yumakap na rin ang kanyang ina at kapatid. Napangiti naman si Kaloy sa tagpong kanyang pinapanuod. Napatingin ang ama ni Dylan kay Kaloy sabay niyaya na yumakap na rin. Hindi na ito tumanggi at lumapit na ito sa nag-iiyakan kapamilya ni Dylan.

Gabi ng unang araw ng taon. Magkasama pa rin si Dylan at Kaloy sa solong preso ng binata. "Paano ba yan? Boto na sa akin pamilya mo.." nangingiting sabi ni Kaloy habang hinihimas ang buhok ng kasintahan. "Masaya ako na nakilala ka na ng pamilya ko.." sagot ni Dylan na yumakap na rin sa hubad na katawan ng nobyo. Hinihimas niya ngayon ang dibdib ng binata. "Sana mapakilala rin kita sa Mama ko.." sagot ni Kaloy. Napatingin si Dylan sa mukha ng katabi. Nakatingin ito sa kisame. Halata na malalim ang iniisip. "Napatawad mo na siya?" tanong ni Dylan. Huminga lang ng malalim si Kaloy. Malalim na malalim. "Hindi ko alam.." simpleng sagot ni Kaloy. Naramdaman niya na mas lalong humigpit ng pagyakap si Dylan sa kanyang katawan. Mas ramdam niya ngayon ang init mula sa kasintahan na pumupukaw sa nanlalamig niyang puso. Naiinggit siya kay Dylan. Lalo na nang makita nito ang relasyon ng binata sa kanyang pamilya - sa kanyang ina. Hindi niya alam kung ano ang kanyang magiging reaksyon kung sakali magpakita ang ina nito. Hindi niya alam kung yayakap ba siya, iiyak. Magagalit ba siya? Sisigawan niya ba ang kanyang ina, papalayasin? Ilang taon na rin siyang nagdurusa sa kulungan upang pagtakpan ang kasalanan ng asawa nito. "Kaloy, darating din ang tamang panahon para sa iyo at para sa Mama mo.." payo ni Dylan sa kasintahan. Tumango lamang si Kaloy sabay halik sa bumbunan ng nobyo. "I love you. Masaya ako dahil kasama kita ngayong araw.." dagdag ni Dylan sabay halik sa matipunong dibdib ng katabi. Hinawakan ni Kaloy ang baba ni Dylan sabay angat nito upang magkatinginan ang dalawa. "Paputok pa tayo?" pilyong tanong ni Kaloy sa nobyo.

Dalawang linggo na lamang ang nalalabi kay Dylan mula sa araw ng kanyang pag-laya. "Erwin, friend. Kamusta ka na dyan?" si Dylan. May hawak itong bulaklak na kanyang pinitas sa hardin sa koreksyunal. Sa likod ng koreksyunal ay may espasyo para sa mga presong namatay na walang pamilya. Dito nakahimlay ang katawan ng kanyang kaibigan. Hindi mapigilan ni Dylan ang hindi maluha nang kanyang tingnan ang litrato ng nakangiting mukha ni Erwin. "Alam kong nagtatampo ka pa rin sa akin. Kasi hindi ko natupad ang pangako ko sa iyo na muli mong makikita si Boyong.." dagdag pa nito. "Pero di ako titigil na hindi makuha ang hustisya laban kay Marquez.." si Dylan na napahigpit sa hawak niyang mga bulaklak. "Hindi masasayang ang pagkawala mo, friend.." dagdag nito. Lumuhod si Dylan sa lupa upang ilagay ang mga bulaklak sa krus ni Erwin. "Tutulungan ko si Boyong na makaalis rin dito. Pangako ko iyan sa iyo.." sabi ni Dylan. Taimtim siyang nagdarasal para sa kanyang kaibigan nang may lumapit sa kanya. "Balita ko makakalaya ka na daw.." boses ng lalaki. Napamulat ang kanyang mga mata nang marinig ang pamilyar na boses na iyon. Napaangat siya ng kanyang tingin mula sa nakatayong lalaki. "Boyong.." sabi ni Dylan sabay tumayo upang harapin ang kaibigan. "Alam kong masaya ngayon si Erwin kung saan man siya naruon.." simula ni Boyong habang tinitingnan ang litrato ng dating nobyo. "Masaya siya dahil tinupad mo ang kanyang pangarap.." sagot ni Dylan. "Mahal na mahal ka niya, Boyong.." dagdag pa nito. Bigla na lamang napaluha ang tigasing preso. Hindi akalain ni Dylan na iiyak ito na parang bata. "Bakit niya ako iniwan, Dy? Kakasimula pa lang ng kwento namin e.." si Boyong. Umiling si Dylan. "Huwag mong isipin yan, Yong. Habang tumatakas kami pabalik dito, ikaw ang lagi niyang nasa isip. Ikaw ang naging lakas niya upang tumuloy na bumalik rito.." sagot ni Dylan. Napansin ni Dylan ang pagtiklop ng mga kamao ni Boyong. Lumabas ang mga ugat nito sa matattoong braso. May galit. May hinagpis. "Pagbabayaran ni Marquez ang lahat ng ginawa niya kay Erwin. Hayop siya!" banta ni Boyong. May galit. Nakakatakot.

"Happy New Year, Kaloy.." nakangiting bungad ni Gino. Kasalukuyang nag-eensayo si Kaloy sa kanyang gitara sa activity area. Napatayo siya nang makita niya ang dating kasintahan papasok sa pinto. "G-g-Gino?!" nauutal na sabi ni Kaloy. Natigilan rin ang mga kasama nilang preso sa loob ng activity area. Ibang-iba na kasi ang itsura ng dating matikas na binata. Kahit na naka-sweater ito ay halata pa rin ang sobrang kinapayat ng katawan nito. Humumpak ang mga pisngi. Nangingitim ang ilalim ng mga mata nito. Nakasuot na rin ng bonnet ang binata. Halata na naubos ang buhok nito sa katawan, sa ulo, sa kilay. Ngunit kahit ganun pa man ay bakas pa rin ang kislap sa mga mata ni Gino nang makita niya si Kaloy. Agad na yumakap si Gino sa katawan ni Kaloy nang makalapit ito sa kanyang dating nobyo. Na-miss niya ang amoy ng binata. Ang init at tigas ng katawan ni Kaloy. Hindi na pumalag si Kaloy sa pagyakap ng dating nobyo. Nagsilabasan ang ibang preso at iniwan ang dalawa sa kwartong iyon. "K-ka-kamusta ka?" nauutal pa ring tanong ni Kaloy sa binata. "Miss na miss kita, Kaloy.." naluluhang sabi ni Gino. "Sa bawat chemo session ko umaasa akong darating ka. Bibisitahin mo ako.." dagdag nito. Kumalas si Gino sa pagkakayakap sa binata. Napapagod na siyang tumayo kung kaya ay umupo siya sa monobloc na malapit sa kanya. Sumunod na rin ang preso. "Pero alam ko naman na imposible. Kaya lumaban ako.." pagpapatuloy ni Gino. "Gusto kitang makita, makasama. Makatabi. Mahawakan ang iyong mga kamay.." lumuluhang sabi ng binata. Maririnig mo ang hirap ng paghinga ni Gino sa bawat salita na kanyang sinasabi.

"S-so-sorry, Gino.." tanging nasabi ni Kaloy. "Shhh! Wala iyon. Siguro ayun na rin ang naging lakas ko para lumaban sa sakit ko.." nauubong sabi pa ni Gino. "Siguro, ikaw ang naging rason ko para mabuhay pa ako dito. Mahal kita, Kaloy. Mahal na mahal.." dagdag ng binata. Kinuha ni Kaloy ang mga palad ni Gino. Tila ba buto't balat na lamang ang natira sa kamay ng binata. Medyo malamig. Nilapit niya ito sa kanyang mga labi. Hinagkan niya ito. "Gino, lumaban ka. Huwag lang para sa akin. Lumaban ka para sa iyo. Para sa magulang mo. At para sa mga taong nagmamahal sa iyo.." sabi ni Kaloy at nilagay niya ang nanlalamig na palad ni Gino sa kanyang mga pisngi. Mainit. Masarap sa pakiramdam. "Kaloy, pwede mo ba akong kantahan?" hiling ni Gino sa dating kasintahan. Ngumiti si Kaloy at tumango ito. Agad niyang kinuha ang gitara at tinugtugan ang binatang may sakit. Lingid sa kaalaman ng dalawa ay nasa pinto si Dylan at pinapanuod ang kanilang ginagawa. Walang selos siyang nararamdaman kumpara sa dati. Walang galit laban kay Gino. Kundi habag ang namuo sa kanyang puso. Ngayon, mas iniintindi ni Dylan ang sitwasyon ng nobyo at ni Gino. May parte si Gino sa buhay ni Kaloy. At hindi niya maaalis yun. Nagulat si Dylan nang may tumapik sa kanyang balikat, si Father Jeff. "Father.." bati ni Dylan sa pari. "Kamusta?" tanong ng pari habang sabay na pinapanuod sina Kaloy at Gino. Napangiti si Dylan. "Okay naman po.." tumatangong sagot ni Dylan sa pari. "Mabait na bata naman yang si Gino. Saksi ako sa pagbibinata ni Gino. Naspoil lang ng Mama niya kaya lahat ng gusto niya, nakukuha niya.." kwento ni Father Jeff. "Maliban na lamang si Kaloy.." dagdag ng pari.

Napatingin si Dylan sa pari nang marinig niya ang huling sinabi nito. "Oo, alam kong nagkarelasyon ang dalawang binata.." amin ng pari. Mas nanlaki ang mata ni Dylan. "F-father?" si Dylan. "Hindi naman sa suportado ko o tutol ako sa ganyang relasyon. Pero para sa akin kasi ay ang tunay na pagmamahal ay wala yan sa kasarian, sa lahi. Basta ang sentro ng inyong relasyon ay Siya.." si Father Jeff sabay turo sa ng kanyang daliri paitaas. Medyo tinamaan si Dylan sa kanyang naririnig mula sa pari. "Maraming binago si Kaloy sa batang iyan. Dahil kay Kaloy, natuto si Gino maging makatao.." sabi pa ng pari. "Alam ko naman na may hindi nagawa si Gino sa inyong dalawa ni Kaloy. Naging makasarili siya nung oras na iyon.." sabi ng pari na nagpalingon muli kay Dylan. "Alam mo ba, nakita ni Gino si Kaloy sa ospital nung dinalaw ka ni Kaloy.." kwento pa ng pari. "Nung oras din yun, doon ko lang nakita si Gino na nagpaubaya sa kanyang gusto.." dagdag pa ng pari. Mas lalong naapektuhan si Dylan sa mga binabahagi ng pari. "Sana mapatawad mo si Gino sa kanyang mga nagawa. Hindi man ngayon, pero sana balang-araw.." hiling ng pari. Muling pinanuod ni Dylan ang dalawa sa loob ng kwarto. Nakangiti si Kaloy habang kinakantahan si Gino. Bakas sa mukha ni Gino ang saya kahit nahihirapan sa sakit na dinaranas. "Yes, Father. Napatawad ko na si Gino. Matagal na. Wala na akong sama ng loob sa kanya.." sabi ni Dylan at huminga ng malalim. Hinga na para bang nabunutan ng tinik sa kanyang puso. Napangiti na lamang ang pari.

Magtatakip-silim na nang matapos ang kantahan nila Kaloy at Gino. "Kaloy, thank you ha.." si Gino. "Wala iyon. Ano ka ba.." sagot ni Kaloy habang nililigpit ang mga instrumentong ginamit. "Gino, dalhin na kita sa kwarto mo para makapagpahinga ka na.." yaya ni Kaloy sa binata. Ngunit napansin niya na nakasilay lamang si Gino sa kalangitan mula sa bintana na may rehas. Maaliwalas ang kalangitan ng araw na iyon. Naghahalong kulay ng kahel at lila ang langit. "Halika na?" yaya ni Kaloy sa binata. Inalalayan ni Kaloy si Gino na makatayo pero dahil na rin sa epekto ng chemotherapy sa katawan ay medyo nanghihina ang mga tuhod ni Gino. Ramdam ito ni Kaloy kung kaya ay binuhat ni Kaloy sa kanyang likod si Gino. "Kaya ko naman, Kaloy.." tanggi ni Gino. "Shh! Alam mo naman na kayang-kaya ka ng mga muscles ko.." pagyayabang ni Kaloy. Habang buhat-buhat ni Kaloy si Gino ay humiling ito sa binata. "Kaloy, pwede bang dalhin mo ako sa rooftop?" tanong ni Gino. "Ha? Bakit?" nagtatakang tanong ni Kaloy. "Sige na, please? Gusto kong makita lumubog ang araw.." sabi pa ni Gino. "Sige, sige. Pero ewan ko lang kung papayagan tayo ng mga bantay.." si Kaloy. "Papayag yang mga yan. Ako pa ba?" natatawang sabi ni Gino. Humihingal si Kaloy matapos umakyat ng ilang palapag. Buhat-buhat pa rin kasi nito sa kanyang likuran ang dating nobyo. Nagulat si Kaloy nang makita si Dylan at Father Jeff sa rooftop. Nagtataka siya kung bakit naroon ang kasintahan. "A-a-anong meron?" tanong ni Kaloy kay Gino. Lumapit na ang dalawa kina Dylan.

"Kaloy, iwan mo muna kame ni Dylan. Mag-uusap lang kame.." pakiusap ni Gino sa dating nobyo. Sumunod naman si Kaloy kasama ang pari. Iniwan nila ang dalawang binata. Pinagmamasdan ang kalangitan. Malamig pa rin ang simoy ng hangin. Tanaw ng dalawa ang mga ibong lumilipad sa kulay lila na kalangitan. Payapa. Maaliwalas. Ngumiti si Gino. "Oras ko na.." unang sabi ni Gino na bumasag sa kanilang katahimikan. Napapikit si Dylan. Pinipigilan ang pagpatak ng kanyang mga luha. Kahit naman na nagkalabuan ang dalawa sa nakaraan ay hindi pa rin ganoon katigas si Dylan lalo na sa ganitong mga pagkakataon. "Dylan, naalala mo ba yung pakiusap ko sa iyo dati?" tanong ni Gino. Napatingin si Gino sa nakatayong binata. Napansin niyang nakapikit ito. "Thank you, ha. Kasi kahit alam kong mahal niyo ang isa't isa ay hinayaan mo pa rin na makasama ko si Kaloy.." si Gino na nagsimula nang mapaiyak. Masikip sa dibdib. Hindi dahil sa kanyang sakit na cancer. Ngunit dahil sa sakit ng kanyang nadadarama. "Masaya ako dahil kahit sa huling pagkakataon ay nakapiling ko siya. Dahil sa kanya lumalaban ako. Dahil sayo buhay pa rin ako. Thank you, Dylan.." sabi ni Gino. Hindi na rin napigilan ni Dylan ang hindi maapektuhan sa sinasabi ng binata. Inabot ni Gino ang kamay ni Dylan. "Sorry ha. Nasaktan kita. Nasaktan ko kayo.." sabi ni Gino. Napangiti si Gino nang maramdaman niya ang pagpisil pabalik ni Dylan sa kanyang mga palad. Tanda ito na tinatanggap ni Dylan ang kanyang sorry. Kahit na nakangiti ay patuloy pa rin ang kanyang pagluha.

Muling sinilayan ni Gino ang langit. Medyo dumidilim na ito. Naghahalo na ang itim, kahel at lila sa kalangitan. "Dylan, ito na ang huling hiling ko sa iyo.." sabi ni Gino sa presong katabi. Medyo kumakapos na ang hininga nito. "Gino, huwag. Laban ka pa.." biglang sabi ni Dylan na lumuhod na sa tabi ni Gino. Tumango-tango lang ang binata. Ramdam ni Gino na bibigay na ang kanyang katawan. "Dylan, please, huwag mong pabayaan si Kaloy. Mahal na mahal ka niya.." huling sabi ni Gino bago ito marahang pinikit ang mga mata. "Gino?! Ginooooo?!" pasigaw na tawag ni Dylan sa pangalan ng katabi. Nakita ni Dylan ang patakbong si Kaloy at si Father Jeff. Medyo slow motion ang kilos na para bang sa pelikula lang. Agad na binuhat ni Kaloy ang katawan ni Gino upang itakbo sa clinic. Nanlamig ang buong katawan ni Dylan at nanigas lang siya sa kanyang kinaluluhuran. Sa pangatlong pagkakataon ay napanuod niya ang kamatayan ng isang kaibigan. Wala na naman siyang nagawa. Hindi na naman siya nakatulong upang mailigtas ito. Hindi malaman ni Dylan kung paano siya nakapunta sa clinic. Yakap-yakap siya ni Kaloy. Humihikbi lamang si Dylan sa mga bisig ni Kaloy habang sinusubukang irevive si Gino sa clinic. Naroon din pala ang magulang ni Gino. Alam na pala ng mga magulang ni Gino na hindi na magtatagal ang kanilang anak. At ang huling hiling nito ay ang makabalik sa koreksyunal upang makita si Kaloy at makausap si Dylan.

"Montereal, pinapatawag ka ni Chief Raymundo.." pang-iistorbo ng isang pulis. Kasalukuyan kasi silang nanunuod ng basketball sa court ni Dylan kasama sina Tikboy. Ilang araw na rin ang nakalipas mula sa pagbisita ni Gino sa kanila. Isang linggo na lang rin ang hinihintay bago ang pag-laya ni Dylan sa koreksyunal kung kaya nilulubos na ni Dylan ang pagbobonding sa mga kaibigan niyang preso. "Dy, wait lang ha. Pinapatawag ako ni Chief. Babalik ako.." paalam ni Kaloy sa kasintahan. Tumango lang si Dylan. "Chief, pinapatawag niyo daw ako.." sabi ni Kaloy pagkapasok niya sa opisina ng hepe. Nagulat si Kaloy na naroon ang magulang ni Gino. "Tito. Tita.." bati ni Kaloy sa magulang ng dating kasintahan. Nakangiti ang mga iyon. Umupo si Kaloy sa upuan sa harapan ng lamesa ng hepe. "Magandang balita, Montereal. Nakasali ang pangalan mo sa parol para sa susunod na linggo. Sa tulong ng magulang ni Brother Gino ay makakalaya ka na.." sabi ni hepe. Biglang nanikip ang dibdib ni Kaloy. Agad rin napuno ng luha ang kanyang mga mata. Hindi na napigilan ni Kaloy ang hindi humagulgol sa tuwa. Hindi na siya nahiya sa harapan ng hepe at ng mga bisita. "Tito, tita, thank you po.." si Kaloy na hindi na makatayo dahil medyo nanlalambot pa ang kanyang mga tuhod. Ang mga magulang na ni Gino ang lumapit sa preso at niyakap ito. "Ito ang hiling ni Gino bago siya bawian ng buhay.." sabi ng ama ni Gino. "Iho, maraming salamat dahil sa iyo humaba pa rin ang buhay ng anak ko.." dagdag pa ng ina ni Gino. Napakasaya ni Kaloy sa oras na iyon. Ang dami niyang iniisip. Isa na roon ay makakasama niya si Dylan sa pag-laya.

Oras na ng gabihan nang bumalik na si Kaloy sa mga kasamahan mula sa pag-uusap niya kasama ang mga abogado, si Chief Raymundo pati ang magulang ni Gino. Agad niyang hinanap si Dylan at agad rin naman niya itong natagpuan sa gitna ng silid-kainan. "Dylan!" sigaw ni Kaloy sa pangalan ng kasintahan. Hindi mapigilan ni Kaloy ang tuwa na kanyang nararamdaman. Agad niyang niyakap ang kasintahan sa gitna ng mga barako at tigasing mga preso. "Kaloy, anong nangyari?" gulat na sabi ni Dylan. Kahit hindi niya pa nalalaman ang magandang balita ay gumanti na rin ito ng yakap. Mahigpit. Para sila lang ang tao sa silid na iyon. "Dylan, mahal na mahal kita.." sabi ni Kaloy habang patuloy pa rin ang kanyang pagyakap sa kasintahan. "I love you, too. Ano bang meron?" natutuwang tanong ni Dylan. "Basta.." natutuwang sabi ni Kaloy sa kasintahan. Ayaw niya munang sabihin ito kay Dylan para sorpresa sa binata. Kasunod nito ay niyakap ni Kaloy si Tikboy at Mang Tonyo. "Aba, parang may magandang balita si Kaloy ah.." pang-aasar ni Boyong paglapit niya sa kanila. "Wala naman, Boyong. Masaya lang ako.." si Kaloy at iniwan sila upang pumila para kumuha ng gabihan. Masaya ang grupo sa kanilang gabihan. Typical na asaran, kulitan. Napatingin si Dylan sa mukha ng kasintahan. Mas umaliwalas ang itsura nito. Mas gumaan. Hindi na niya muna pipilitin si Kaloy magkwento kung hindi pa ito handa. Pero alam niya na magandang kwento ito dahil sa epekto nito sa binata. Napatingin naman si Kaloy sa kasintahan. Nahuli niya itong nakatitig sa kanyang mukha. Agad niya itong kinindatan na kinunot naman ng noo ni Dylan.

"Kaloy, good night.." paalam ni Dylan sa kasintahan. Mas nauunang pinababalik kasi ang mga VIP na preso sa kanilang mga selda. "Good night, Dylan.." sagot ni Kaloy sabay kapit sa mga bewang ng kasintahan. "Uyy. Maraming nakakakita.." sita ni Dylan sa nobyo. "E ano naman. Inggit lang nila.." sabi ni Kaloy sa kasintahan. "Mahal na mahal kita.." lambing ni Kaloy sa kasintahan. Napangiti si Dylan. "I love you too.." sagot ni Dylan. Hindi na nagpatumpik-tumpik pa si Kaloy at kanyang nilapat ang kanyang mga labi sa labi ng kasintahan. Nanlaki na lamang ang mga mata ni Dylan sa ginawa ng kasintahan. Matamis. Masarap. Pumikit na lamang rin si Dylan at sinagot ang halik ni Kaloy. Nagsimulang magpalitan ang dalawa ng kanilang mga laway. Nagsimulang maglaban ang kanilang mga labi. Natigil lamang ang dalawa nang sumingit si Tikboy. "Hooooy konting respeto naman sa mga single dito. Kamay na nga lang ang kapiling namin sa gabi. Mang-iinggit pa kayo.." sabi ng preso. Batok ang inabot ni Tikboy kay Kaloy. "Istorbo ka talaga eee.." sabi ni Kaloy. Natatawa lamang sina Boyong at Mang Tonyo. Namumulang lumakad palayo si Dylan nang maghiwalay ang kanilang mga labi ng nobyo. "Dylan, teka.." pigil ni Kaloy sa nobyo. Lumingon naman si Dylan sa mga kapreso. "May nakalimutan kang dalhin.." si Kaloy. Nagtaka naman si Dylan at sumenyas ng "Ano?" "Yung saging ko, nakalimutan mo.." natutuwang asar ni Kaloy sa kasintahan. Inabot niya ang isang mahaba at matabang latundan. "Loko-loko!!" sabi ni Dylan sabay kuha sa saging ni Kaloy at mabilis na tumalikod ito sa kanila.

Tatlong araw bago ang pag-laya ni Dylan. Umaga iyon at oras ng ehersisyo ng mga preso nang biglang nagsitigil ang mga preso sa kanilang ginagawa. Nahati ang formation ng mga ito na para bang dagat na nahati sa dalawa. Nanlaki ang mata nina Dylan at Kaloy sa nakitang paparating. Bumilis ang tibok ng puso ni Dylan. Nanlamig ang buo niyang katawan. Agad siyang pinagpawisan ng malapot. Habang si Kaloy naman ay lumukot ang mukha. Nag-init ang kanyang katawan. Namuo ang kanyang kamao at para bang sasabog. Ngunit mas naunang sumugod si Boyong, "Puuuutanginaa mooooo!" malutong na mura nito habang pasugod sa bagong dating na preso.


Susundan..


No comments:

Post a Comment